Dumating na noong Lunes sa lalawigan ng Romblon ang pitong bagong generator sets ng National Power Corporation (NPC) upang ilagay sa kanilang mga planta sa mga bayan ng Romblon, San Fernando, Concepcion, Corcuera at Banton.
Isa-isa itong inihatid ng barkong MV LCT Rosman sa mga island municipalities bilang karagdagang suporta sa operasyon ng Napocor upang mabigyan ng sapat na suplay ng kuryente ang buong lalawigan.
Sinabi ni NPC Romblon District Manager Engr. Ricky Umban, na ang makinang ibinaba sa kabisera ng Romblon ay may kapasidad na 600 KW gayundin ang tatlong genset na inihatid sa bayan ng San Fernando sa Sibuyan Island.
Aniya, tig-300 KW naman ang kapasidad ng mga makinang ilalagay ng NPC sa island municipalities ng Corcuera, Concepcion at Banton.
Ayon sa pamunuan ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) Inc., kung sakaling ma-commision ang tatlong generator set sa San Fernando ay magkakaroon na ng sapat na suplay ng kuryente sa buong isla ng Sibuyan kaya inaasahang wala ng brownout pang daranasin ang tatlong munisipyo ng Sibuyan.
Ayon naman sa Napocor, ang mga genset na kanilang dinala sa Concepcion, Corcuera at Banton ay paghahanda sa planong pagpapalawig ng kanilang operasyon 8-16 oras na pagbibigay ng serbisyo ng kuryente sa mga nasabing island municipalities.
Ikinatuwa ng mga residente at lokal na opisyal sa naturang mga bayan ang pagdating ng bagong genset dahil mapapalawig na ang serbisyo ng kuryente sa kanilang lugar.(DM/PIA-MIMAROPA/ Romblon)