Ang tanggapan ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB) ay lumiham na sa limang may-ari ng marble quarry sites sa bayan ng Romblon na nag-aatas na itigil ang pagmimina ng marmol sa bulubunking lugar ng Sitio Bagasyong, Bgy. Cajimos at Caray-caray, Bgy. Agtongo.
Magugunita na dumating noong nakaraang linggo sa bayan ng Romblon ang mga kinatawan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) MiMaRoPa kasama ang mga tauhan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) upang mag-inspeksiyon sa mga marble quarry sites at makipagpulong sa mga operators nito dahil sa pagkasira ng kabundukan dulot ng pagmimina ng marmol.
Batay sa resulta ng inspeksiyon at imbestigasyon, malaking bahagi na ng kabundukan sa nabanggit na mga barangay ang wala ng puno o kalbo na at paso na rin ang permit ng ilang quarry operators pero nagmimina pa rin ng bato sa lugar.
Kaugnay nito, naglabas ang PENRO ng cease and desist order sa operasyon ng mga marble quarry dun sa mga operators na walang permit at hindi na rin papayagan ng PMRB na magrenew ang mga ito alinsunod sa kautusan ni Governor Eduardo C. Firmalo.
Kabilang sa mga sinulatan ng PMRB ang mga sumusunod: Kantoh International Marble Corporation, Agtongo-Bagasyong Marble, Agtongo Centro Miners, Romblon Development Multi-purpose Cooperative at Agtongo-Bagasyong Multi-purpose Cooperative.
Ayon kay Engr. Raynaldo Angel M. De Juan, department head ng PMRB, humigit kumulang 500 manggagawa ang direktang mawawalan ng trabaho ngunit kailangan nilang ipatupad ang pagpapasara sa mga naturang quarry sites upang mapanumbalik ang pagiging luntian nito.
Habang sinusulat ang balitang ito, wala pang malinaw na sagot ang pamahalaang panlalawigan kung paano matutulungan o mabibigyan ng alternatibong hanapbuhay ang mga trabahador na maaapektuhan ng pagpapatigil sa operasyon ng ilang marble quarries.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)