Pinadi-disqualify ni Alcantara Sanguniang Bayan member Jose Luis Morales sa Department of Interior and Local Government Romblon Provincial Office at PCL Election Commitee ang dalawang tumakbo sa katatapos lang na Philippine Councilors League Romblon Chapter Election na ginanap sa Barangay Mapula, Romblon, Romblon nitong September 12 kasama ang nanalong Presidente ng liga na si Odiongan Sanguniang Bayan member Virgilio Maulion.
Kasama sa pinadi-disqualify ni Morales si Romblon Sanguniang Bayan member Maria Rosareane Lim.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Morales na nakuha ng Romblon News Network, dahil umano ito sa paglabag ng dalawa sa PCL Election Code, sa Omnibus Election Code, at sa iba pang batas.
Nakasulat sa salaysay ni Morales na nakialam umano sa botahan sa pamamagitan ng indirect campaigning si Odiongan Vice Mayor Mark Anthony Reyes na kung saan taga-suporta umano ng kanyang tiyuhin na si SB Virgie Maulion. Isa rin umanong kaduda-duda o may ‘bad faith o malice’ ang pagpapatawag ng Vice Mayor League Meeting ni Vice Mayor Reyes na itinaon mismo umano sa petsa at sa bayan na pagdadausan ng event ng PCL-Romblon.
Si Mayor Mariano Mateo naman umano ang indirect na nangamapanya kay SB Maria Rosareane Lim dahil umano sa pag-alok ng nasabing Mayor ng dinner party sa Romblon Public Plaza nitong gabi ng September 11.
“…aking pinaniniwalaan na ito ay Ilegal at isang partisan political activity o lectioneering din ito at ground sa disqualification ni SB Solis.” ayon sa salaysay ni Morales.
Narinig rin umano ni SB Morales na may ilang opisyal rin umanong namili ng boto ng mga Sanguniang Bayan members bago pa man magsimula ang PCL-Romblon Election.
Patuloy naman na kinukunan ng pahayag ng Romblon News Network ang mga nabanggit na pangalan sa balitang ito.