Dalawang lalaki ang arestado ngayong gabi sa ginawang operasyon ng Odiongan Municipal Police sa pakikipagtulungan ng Romblon Provincial Public Safety Company sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Nadakip ang mga suspek matapos maaktuhan umanong nagda-drug session sa loob ng maliit na kwarto ng isang bahay sa Barangay Dapawan sa bayan ng Odiongan.
Nakilala ang mga suspek nahuling suspek na sina Dadz Alojado, residente ng Odiongan at si Eddie Antonio, residente naman ng San Andres.
Nakatakas naman at patuloy na pinaghahanap ang isang Ronald Salivio na di umanoy may-ari ng bahay at kasama rin ng mga nahuling suspek.
Kwento ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr., Chief-of-Police ng Odiongan Municipal Police Station, nakatanggap umano sila ng tip na nagkakaroon ng drug session ang mga suspek sa bahay ni Salivio kaya nagsagawa agad sila ng operasyon.
Matapos ma-verify, agad nilang sinugod ang bahay ni Salivio, doon na nadakip ang dalawang suspek habang si Salivio umano ay umakyat sa bubong at tumakas.
Nakuha sa nadakip na mga suspek ang ilang drug paraphernalia, dalawang pakete na may lamang hinihinalang shabu, mga pera, at cellphone.
Pinasok rin ng kapulisan ang isa pang bahay ni Salivio upang hanapin ito ngunit nabigo sila. Patuloy na pinaghahanap ng kapulisan si Salivio.
Itinanggi naman ng mga suspek na nagsasagawa sila ng drug session sa lugar. Paliwanag ni Alojado, nandun lang umano siya upang tubusin ang cellphone na sinangla niya kay Salivio. Si Antonio naman umano ay napadaan lang sa bahay ni Salivio.
Ang tatlo ay sumuko na umano sa Oplan Tokhang ng kapulisan nitong nakaraang buwan.
Nakakulong na ang mga suspek sa Odiongan Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kaso.