Nagkaroon ng tatlong araw na Crime Registrar Enhancement Seminar and Workshop ang ilang kawani ng pulisya mula sa ibat-ibang munisipyo ng MIMAROPA nitong ika-19 hanggang ika-21 ng Setyembre 2016.
Isinagawa ito sa opisina ng Investigative and Detective Management Unit ng Police Regional Office MIMAROPA sa Camp Efigenio Navarrro sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ang nasabing crime registrar enhancement seminar ay batay sa mandato ng Pambansang Kapulisan na nakapaloob sa Crime Incident Recording System o CIRS.
Ayon kay Ms. Doris Fortes-Atillano, isa sa mga representante mula sa bayan ng Concepcion Municipal Police Station, tinalakay sa seminar ang tamang pagtatala ng mga insidente ng krimen sa nasasakupang lugar at pag-update ng unit crime periodic report (o UCPER).
Binanggit rin sa seminar ang tamang proseso sa pag-tanggap ng mga reklamo, at ang tamang pag-validate ng mga blotter kung saan ay dapat tugma ito sa datos na nakapasok sa CIRS ng isang istasyon ng pulisya.
Ang CIRS ay inilunsad ng Pambansang Pulisya para magkaroon ng uniform o parehas na proseso sa pagtatala ng mga insidente na may kinalaman sa krimen sa mismong database system ng lahat ng istasyon ng pulis sa buong bansa, at upang maiwasan na rin ang pagkakadoble-doble ng mga tala.