Dumating sa bayan ng Sibale nitong Biyernes, ika-2 ng Setyembre 2016, ang isang set ng generator ng National Power Corporation (NAPOCOR) lulan ng barkong MV LCT Rosman na inupahan ng kompanya mula Manila. Ito ay bilang paghahanda sa planong pagpapalawig ng operasyon nang nasabing kompanya sa kanilang serbisyo ng kuryente mula walong oras hanggang labing-anim o kaya ay dalawangpu’t apat na oras depende sa magiging resulta ng kanilang gagawing isang buwang test run.
Sa pagtatanong ng Romblon News kay Mr. Eddie Mazo, isa sa mga kawani ng NAPOCOR – Sibale, ang nasabing bagong makina ay nanggaling pa sa bayan ng Minuyan sa Bulacan. Dagdag pa nya, ang bagong makina ay ‘for commission’ pa o isasailalim pa sa masusing inspeksyon at testing kaya wala pang eksaktong araw kung kalian ito ganap na magagamit para sa pagpapalawig ng kanilang operasyon.
Kaugnay rin nito, sumailalim si Mr. Mazo sa dalawang araw na seminar na isinagawa naman sa opisina ng NAPOCOR sa Cebu City noong nakaraang ika-30 at 31 ng Agosto 2016.
Masaya naman ang lahat ng residente ng Sibale sa pangyayaring ito dahil sa wakas ay unti-unti nang nararamdaman ang pag-usad ng bayan pagdating sa serbisyo ng elektrisidad.
Nagsama-sama pa ang ilan sa kanila para salubungin ang pagdating ng bagong makina. Nagtulong-tulong na rin sila para maayos itong maibaba sa barkong pinagsakyan at maihatid sa mismong compound ng NAPOCOR.
Batid nila na hindi magtatagal ay mararanasan na nila ang mahabang oras na pagkakaroon ng kuryente sa buong isla.