Mainit ang industriya ng pagmimina ngayon. Hindi lang sa mga mata ng itinalagang kalihim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DENR na si Gng. Gina Lopez kundi pati sa mga balitang nakarating sa inyong lingkod tungkol sa mga pangyayari noong isang linggo sa Sibuyan Island.
Dala ng tubig ulang ibinuhos ng magkakasunod na araw, dalawang (2) minero ang nasawi matapos madaganan ng malalaking tipak ng bato at natabunan ng gumuhong lupa sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Dulangan sa bayan ng Magdiwang– kilalang mining town ang Magdiwang.
Naglalakad umano sa gilid ng bundok sa Sitio Hanggan ang dalawang (2) biktima patungo sa lugar na pinagmiminahan nila ng biglang nangyari ang pagguhong ikinasawi ng mga ito.
Ngayong nasa tuktok ng DENR ang kilalang patron ng pro-environment movement sa Sibuyan Island at maraming bahaginng kapuluang patuloy na sinasalanta ng mapanirang gawi sa pakikinabang ng likas-yaman ng bansa, hindi malayong balik-sentro na naman ng kanyang atensyon ang minahan sa sa Sibuyan.
Kukulapulin na naman ng agam-agam ang mga may-ari ng small-scale mining tenement rights sa luntiang isla sa probinsya ng Romblon. Malamang sa hindi, bibiglang-liko ang direksyon ng polisiya sa maliitang pagmimina, sisentro ang atensyon ng mga kawani ng DENR-MIMAROPA at hihigpit ang pagpapatupad ng mga kautusan higit-lalo sa minahang-bayan sa Sibuyan na palagiang bukambibig ng kasalukuyang kalihim sa kanyang mga panayam.
Ang ugong ng nasabing landslide na nakarating sa atin na-shock diumano ang opisyal na itinalaga ng bagong Pangulo dahil ang lugar na pinagmiminahan ng dalawang nasawing minero e sakop pa pala’t nasa loob ng protected area.
Bawal na bawal magsagawa ng pagmimina doon, sa ilalim ng RA No. 7586 o ang NIPAS Law. Kaya kung may “name and shame” ang anti-drug campaign ng kanyang amo, hindi malayong magpatupad din si Madame Gina dyan ng “shock and awe.”
Tinawag pa nga ba namang “Last Frontier of Biodiversity” ang Sibuyan kung hindi naman papangalagaan ng mga kasalukuyang nangangasiwa sa pamahalaan, hindi po ba? Igkas-bigwas naman tayo sa “banwa” ko – kabiserang isla ng Romblon, bayan ng Marmol at kinatitirikan ng Kapitolyo.
Speaking of “kapitolyo.” Tapik sa balikat muna kay Governor Lolong Firmalo – hepe ng honor roll awardee LGU. Panindigan mo na ang award na ito. Kahit hindi eleksyon, pasyal-pasyal naman ‘Boy’ sa Magdiwang pag may time!
Personal at direktang aksyon naman sana sa “guerilla mining” at pagmiminang patago. At ano rin balitang nagpa-andar ang mga bata ni Sec. Gina dyan sa MIMAROPA? Ayon sa ating Spy, “uma-angry bird ang peg nila”. Ang report, nag-geohazard mapping seminar muna tapos umikot ng ocular inspection sa mga quarry ng marmol.
Heto pa, nakaamba na nga daw ang cease and desist order sa operasyon ng mga marble quarry dahil wala nang puno ang dalisdis ng sitio Kayu-ing, Bagasyong at Caray-caray dyan sa Cajimos. Maling permit daw ang ini-“halad” sa kanila ng Alad Mining Corporation, as in, “hitting two pigs with one angry bird”. Tandaan: Man is a political animal! (Twitter: follow@dspyrey)