Walang pinag-iba kay Bernardo Carpio ang sitwasyon ng mga Pilipino; meron Team Laila at Team Digong, animo’y naiipit sa dalawang(2) nag-uumpugang bato kayat nililindol ng intriga ang buong Pilipinas, katulad ng alamat. Anuman ang pinag-ugatan at pinaghugutan ng magkabilang kampo– iisa lang ang talo, walang iba kundi ang taong bayang nakikisawsaw sa isyu at tila naguguluhan sa mga naglalabasang kuwento.
Parehong nasa hustong gulang sina senadora Laila de Lima at Pangulong Rodrigo Duterte; parehong abogado; parehong tumanda at “nagka-tahid” sa serbisyo-publiko; magkaiba man ang propesyong pinasukan pagkalabas ng San Beda, halos magkapareho ang sinumpaang tungkulin sa ngalan ng batas– manaig ang katotohanan at naka-base sa ebidensiya ang labanan, mapa-korte o media.
Ayokong husgahan ang mga isyung ipinupukol kay de Lima; tanging senadora ang nakaka-alam sa mga personal attack ni Duterte; totoo o hindi ang pagkakaroon ng “driver lover”, sino tayo para humusga. Ika nga: bulag ang pag-ibig at hahamakin ang lahat, masunod ang kagustuhan. Mismong si Kristo, malinaw ang mga aral sa Bibliya.
Sa panig ni Duterte, malalim ang pinaghuhugutan ng Pangulo; hindi mapatawad ang kaliwa’t-kanang pag-atake ni de Lima sa panahong nakaupo itong alkalde; hindi mawari kung bakit pinag-initan sa extra-judicial killings sa Davao gayong mas maraming dapat atupagin ang Commission on Human Rigths(CHR); bakit nga naman hindi inimbistigahan ang mga pulis at sundalong pinatay ng kriminal; maging nang maupong kalihim ng Department of Justice (DOJ) ang senadora– ito’y hindi pa rin pinaligtas.
Ngayong nagbago ang takbo ng politika, naiba ang bola–si Duterte ang nakaupo sa Malacanang, di hamak mas makapangyarihan kumpara kay de Lima, sumabog ang matagal ng kinikimkim na sama ng loob ng Pangulo lalo pa’t hawak ng senadora ang komiteng nag-iimbistiga sa extra-judicial killings kontra illegal drugs, animo’y nagbalik-alala ang mga naunang pangigipit sa kanya.
Ang tanong: hanggang kailan magbabangayan sina Duterte at de Lima; ilang buwan tatagal sa headlines ang palitan ng maanghang na pananalita; anong “ending” ang gustong mangyari ng Malacanang lalo pat pinaka-pursigidong padapain ang senadora; at sinong makikinabang sakaling humantong sa senaryong may mapatalsik at parehong pinanindigan ang kahandaang magbitiw sa puwesto kapag napatunayan meron isa sa kanila ang nagsisinungaling?
Ni sa panaginip, ayokong isiping nabuhayan ng pag-asa si dating MMDA Chairman Francis Tolentino na meron naka-haing election protest sa Senate Electoral Tribunal(SET). Bagamat “dilawan” sa pagsisimula ng presidential campaign at nagkataong na-eskandalo sa “dance number” kaya nabura sa LP senatorial slate, ito’y kilalang malapit kay Duterte at nagawa pang magpa-ampon nakaraang kampanya. Kaya’t “abang-abang” lang kayo kapag may time!
Anyway, Maraming Salamat kay Paul sa pag-imbita sa inyong lingkod na magsulat sa Romblon News; isang karangalan bilang Romblomanon maging bahagi nito. Sa totoo lang, napakahirap tumanggi sa isang kababayan, iyan ang “Tatak-Romblomanon”, bitbit kahit saang lupalop ng mundo mapunta. Tandaan: Man is a political animal! (Twitter: follow@dspyrey)