Ang mga kwento ng paliparan, alaala ng nakaraan
Naalala ko noong bata ako habang nakadungaw sa bintana ng aming bahay, may isa akong kalaro na lumapit sa paliparan habang nakahandang magtake off ang Philippine Airlines at may dalang syang tali. Ayon sa kanya, tatalian nya ang eroplano at iuuwi. Isang kwentong tumatak sa aking isipan na hanggang ngayon ay kay sarap balik balikan.
Ang paliparan ang nagsilbing aming playground ng aking mga kababata at mga schoolmates. Pabilisan ng takbo hanggang sa mapagod. Mayroon din na mga pagkakataong nagkasugat at mga luha na hindi makakalimutan. Salamat sa pagod at pawis na aking narasan, nagsilbi itong matibay na training ground para harapin ang mga hamon ng buhay.
Sa paliparan din ng Tugdan una akong nagkaroon ng kamalayan na mangarap ng matayog. Naiisip ko noong bata ako kung ano ang pakiramdam ng sumasakay sa eroplano. Taong 1995 natupad din ang pangarap kong makasakay ng eroplano. Ang sarap sa pakiramdam. Sa ngayon, kahit saan ako mapunta, natutuwa akong sumakay ng eroplano kahit na 16 oras na byahe ng walang tayuan at tulog ay keri lang. Ang ensaymada ng Philippine Airlines noon ang aking naging paborito, kaya kahit saan ako mapunta at may nakita akong ensaymada, hindi ako nagdadalawang isip na bumili.
Ang saya ng mga alaala na hindi malilimutan na naging bahagi ng aking buhay, mga lungkot at ligaya ay masaya paring balik balikan samahan pa ito ng magandang tanawin ng isang bundok na tila isang larawan ng poster, ang Tugdan beach na makikita malapit sa terminal, ang isla ng Romblon, Romblon na kay gandang pagmasdan tuwing hapon lalo na kapag nagiging kulay kahel ang kulay ng araw.
Noong buwan ng Mayo, dinala ko si JP pauwi ng Tablas. Ito ang una nyang byahe at unang punta nya ng Romblon. Nakakatuwang makita sa mukha ng isang bata kung gaano sya ka-excited makita ang ating probinsya. Sa mga unang araw ng bakasyon, inakyat namin ang maliit na bundok, nilakad namin ang kahabaan ng paliparaan, at kanyang nakita ang nagiging kulay kahel na isla ng Romblon, Romblon tuwing sumasapit ang ika-5 ng hapon.
Sa mga kabataang araw araw dumadaan sa paliparan papasok ng kanilang paaralan, sa mga kabaranggay na nag eehersisyo, sa mga magulang na nakabuo ng pangarap, sa mga magsasaka na nag aararo sa gilid ng paliparan, masasabi kong lahat ng pangarap ay kayang abutin. Tiwala sa sarili at pananalig na balang araw kaya nating lumipad ng mataaas kagaya ng eroplano. Ang paliparan ay espasyo para isulat natin ang ating mga nais abutin makamtam sa buhay.
Pagkakaroon ng International Airport sa Carabao Island, hindi natuloy
Naalala ko rin na minsan rin palang nagkaroon ng proposal noong panahon ng administrasyong Arroyo na magtayo ng isang International Airport sa Carabao Island. Nabanggit nya iyon sa kanyang SONA ngunit matapos ang ilang taon, ito ay hindi natuloy. Binanggit sa akin noong isang linggo ni Sir Bobby Joseph, isang Consul of Latvia to the Philippines at consultant ni Department of Tourism Secretary Wanda Teo na hindi ito natuloy dahil lumabas sa pag aaral na malakas ang ocean current o hampas ng alon patungo sa isla. Hindi raw ito madaling puntahan at hindi kaya ng maliit ng bangka. Dagdag pa nya na dapat magkaroon ng malaking sasakyang pandagat para matawid ang isla.
Sa ngayon, hayaan na muna natin ang oras ang magsabi kung kelan magkakaroon ng isang International Airport sa ating lalawigan.
Si G.Briones ay laking Alcantara at isang Tourism Professor at kasalukuyang Department Chair ng International Hospitality Management sa University of the East, Manila. Nagtapos ng kursong Master of Science in Tourism Management at Doctor of Philosophy in Business Management taong 2013 at nagawaran ng Best Research sa Asia Pacific Council on Hotel, Restaurant and Institutional Education noong 2013. Kanya ring naipaipresenta ang isa sa kanyang mga research paper sa Harvard University noong nakaraang taon.
Para sa komento at suhestyon mag email sa zandee.briones@ue.edu.ph o sa instagram: zandee143