Patuloy sa pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga volunteer ang Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) Romblon Station.
Ang mga uri ng pagsasanay ay ang Water Search and Rescue (WaSAR) at Basic Life Support and Standard First Aid (BLSSFA) ay nilahukan ng 50 rescue volunteer na ipinadala ng mga Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng bawat ng munisipyo sa lalawigan.
Ayon kay Engr. Antonio P. Sarzona, PDRRM Officer, na bahagi ang mga pagsasanay sa mga programa ng pamahalaang lokal na tutugon sa mga pangyayari at kaganapan na hindi inaasahang dulot ng pagbabago ng panahon.
Ang pagsasanay sa WaSAR para sa mga rescue volunteer mula sa labimpitong bayan ng Romblon ay isinagawa sa Punta Corazon Resort, Bgy. Cajimos, Romblon, Romblon na ginanap sa loob ng limang araw.
Ayon sa pamunuan ng PDRRMO Romblon, tatlong beses na silang nakapagsagawa ng pagsasanay sa mga rescue volunteer ng lahat ng mga bayan sa lalawigan at nagpapatuloy ito batay na rin sa pangangailangan ng lokalidad dahil mapapakinabangan nila ito kapag may kalamidad.