Isa sa matunog at mabango na isyu kontra sa pamahalaang Aquino ay ang pag-veto nito sa P2K SSS Pension Bill – H.B. 5842. Kung hindi susuriing mabuti ang isyu at ang mga rason kung bakit disapproved ito kay PNoy, lalabas na tila baga masyadong madamot ang dating Pangulong Aquino para ipagkait sa mga 2 milion SSS pensioners ang nasabing panukalang P2,000 na dagdag sa kanilang mga pension.
Maliban sa mangilan na nakakaalam ng rason ng dating Pangulo sa pag-veto nya sa nasabing house bill, halata sa mga argumento sa social media na marami ang hindi nakakaalam sa dahilan ng disapproval ng Pangulo. Kung ating babalikan ang mga rason ni PNoy sa pag-veto sa nasabing panukalang batas, ang mga pangunahing dahilan nya ay ang mga sumusunod:
- Ang P2K across the board increase na may kaukulang adjustment sa monthly pension ay hahantong sa tiyak at lubhang pagkaubos ng pundo ng SSS. Ayon sa dating Pangulo, kung susumahin ang P2,000 kada pensioner at para sa lahat ng 2 milion pensioners, kada buwan at kada taon, aabot sa kabuoang P56 bilion payout kada taon, kumpara sa kabuoang kita kada taon mula sa mga investment na umaabot sa P30-40 bilion lamang, malulugi ang SSS ng P16-26 bilion kada taon.
- Dahil sa sitwasyon, maaaring bunutin umano ng SSS mula sa Investment Reserved Fund (IRF) nito upang itustos sa nasabing panukalang P2K pension increase. Ito ay magdudulot ng tuluyang pagkaubos ng IRF sa bawat paglipas ng taon hanggang sa maging zero na lang ito sa taong 2029.
Bagamat may punto ang dating Pangulo, subalit hindi naman ito kayang tanggapin ng mga tao, pensioners man o hindi. Marahil ito ay dahil na rin sa mga issues sa loob ng SSS tulad na lamang ng super laking sweldo ng mga execs nito. Naniniwala ang mga tao na kung talagang may constraint sa pundo ng SSS e bakit naman kayang-kayang paswelduhin ang mga execs nito ng halos umaabot sa kalahating milyon kada buwan?
Tama nga naman. Pera ng mga contributors tapos ang balik sa mga contributors ay kakapiranggot samantalang buhay hari ang mga opisyal ng nasabing ahensiya – ito ang mariing reklamo at komento ng mga netizens.
Kung kaya’t sa pag-upo ni Pangulong Duterte, ay kaagad nyang hinikayat ang mga mambabatas upang muling buhayin at ipasa ang nasabing panukalang P2K na dagdag sa buwanang pension ng mga SSS pensioners.
Samantala, marami naman sa mga hanay at unyon ng mga manggagawa ang naniniwala na may mapagkukunang pundo ang SSS para rito nang hindi maaapektuhan ang stability ng pundo ng ahensiya.
Kung sakaling walang sapat na mapagkukunan ng pundo ang SSS para rito, ano kaya ang maaaring maging paraan nito para lamang mapaboran ang hinihinging dagdag sa pension at sa utos na rin ng Pangulong Duterte? Ayon sa ilang mga konektado sa SSS na nakausap ko, maaaring isa sa mga gagawin umano ay paiiksiin lamang ang haba ng taon ng pagtanggap ng pension. Halimbawa, kung sa ngayon ay ang mga pensioners ay tumatanggap ng pension sa loob ng 24 taon, baka gawin itong 12 taon na lamang.
Ako personally ay pabor na dapat lang dagdgan ang pension ng mga SSS pensioners. Sino nga ba ang aayaw o kokontra para sa umentong ito sa pension lalo na ng mga retiradong manggagawa mula sa private sector? Ganun pa man, dapat na matiyak ng gobyerno at ng pamunuan ng SSS na may ikakatiyak itong mga hakbang at pamamaraan para tugunan ang P56 bilion kada taon na pangangailangan para sa dagdag pension.
Kung tama ang nakuha kong impormasyon na paiiksiin lamang ang haba ng taon sa pagtanggap ng pension para hindi masaid ang pundo ng SSS, e lalabas na para lang tayong mga bata na umiiyak at binigyan lang ng lollipop para matahimik.