Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Romblon Provincial Office ang pagbubukas ng Negosyo Center sa compound ng Romblon State University (main campus) sa bayan ng Odiongan.
Ayon kay Orville F. Mallorca, provincial caretaker ng DTI-Romblon, ang proyektong ito ay batay sa Go Negosyo Act kung saan inaatasan ang DTI na magtayo ng mga Negosyo Centers sa iba’t-ibang lugar sa buong bansa.
Layunin ng Negosyo Center ay mailapit ang serbisyo ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong kagamitan at pamamaraan sa mamamayan upang mapabilis ang proseso sa pagnenegosyo at upang makatuwang sa pagpapalago pa nito.
“Bukod sa malapit at mas madali ay makatitipid pa ang ating mga kababayan sa pamasahe at oras at hindi na nila kailangang magsadya pa ng personal sa tanggapan ng DTI. Tamang-tama rin ito dahil napakadami ng kababayan natin ang nagtatayo ng negosyo at nakikita na natin ang pag-unlad ng ating lalawigan,” pahayag ni Mallorca.
Nagsilbing panauhing pandangal si Odiongan Mayor Trina Alejandra Firmalo-Fabic na nagpahayag ng suporta sa programa ng DTI sapagkat malaking tulong aniya sa mga maliliit na negosyante o yaong magpapasimula pa lamang ng negosyo ang paglalagay ng ganitong pasilidad.
Ang Negosyo Center ay bukas tuwing Lunes hanggang Biyernes simula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.