Bago pa man tuluyang maluklok sa pagka-presidente ang Pangulong Duterte ay nahayag na nito ang kanyang plano na ibalik ang ROTC sa mga kolehiyo at gawin itong mandatory. Ngayong araw nga ay lumabas ulit sa mga pahayagan ang mungkahi na ito ng Pangulo.
Sang-ayon naman ako rito. Malaking bagay ang ROTC upang mahubog una ang disiplina ng mga estudyante (kabataan) at pangalawa magkaroon ng mga pangunahing kaalaman sa mga bagay at operasyon na pang militar.
Subalit, kung ako ay magmumungkahi, kinakailangang baguhin ang pagtakda nito, tulad ng mga sumusunod:
1. Maaaring alisin sa kurikulum ng kolehiyo ang ROTC, para hindi ito maging direktang sagabal lamang sa tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga college students na naka focus mismo sa kanilang kurso.
Ang ROTC o Military Training ay pedeng ganapin at kahit pa ito’y gawing ‘mandatory’ lalong-lalo na sa mga kalalakihan, pero hindi kinakailangan na sa college days mismo nila kundi maaaring pagkatapos na ng pag-aaral sa kanilang major course, o kaya ay bago lumagpas sa edad, for instance 25, kinakailangan na nakapag undergo na ng Military Training.
In fact, ang ganitong practice ay siyang ginagawa sa ibang bansa, halimbawa na lang dito sa Qatar.
Kung halimbawa na ang isang lalaki ay may trabaho na sa mga panahon na yun, dapat syang pahintulutan ng kanyang kompanya upang sumailalim sa nasabing military training, leave with pay ‘ika nga.
2. Para sa mga kababaehan, ang ROTC ay hindi naman dapat gawing mandatory, kundi mas mainam para sa kanila ang medical training, just like what the Red Cross is doing during war.
3. Kung may ROTC o Military Training man, dapat naman talaga ito ay ‘advance course’ hindi yong mga naranasan lang natin noon na pahimas himas lang ng baril na kahoy, nagtatarget shooting pero bang! bang! ng bunganga lang ang bala. Sa ganitong sitwasyon, hindi naman talaga uubra na maibigay ng school ang mga pasilidad para sa advance military training kanya nga’t kinakailangan na kung may advance military training man na mandatory ang mga kalalakehan ay gawin ito sa military training camps mismo.