Mahigit 70 mangingisdang naninirahan sa coastal barangay ng Odiongan ang tumanggap kamakailan ng gamit pangisda mula sa lokal na pamahalaan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the Municipal Agriculturist.
Ang mga mangingisda ay pinagkalooban ng lambat (fishnet), floater, sinker, nylon, at iba pang kagamitan na kanilang gagamitin sa paghahapbuhay.
Ayon kay Mayor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, ang kanilang ipinagkaloob na kagamitan sa mga mangingisda ay bilang suporta at tulong sa mga mangingisda ng 8 coastal barangays upang mailayo ang mga ito sa illegal na paraan ng pangingisda.
Para aniya hindi na nila gamitin ang mga sayap at sawayang (mga uri ng lambat) na masyadong maliliit ang mga butas at pinagbabawal na ng nasyonal na batas.
“Sa pamamagitan nito ay mai-aangat natin ang pamumuhay ng mga benepisyaryo sa marangal na paraan,” pahayag pa ni Fabic.
“Na-reactivate na rin ang Bantay Dagat sa naturang walong barangay, nabigyan na ng mga ID at mabibigyan ng uniform at ibang kagamitan upang mabantayan ang maigi ang karagatan laban sa mga gumagawa ng illegal na pangingisda,” dagdag pa ng alkalde.
Bagamat may angkin nang kaalaman sa pangingisda ang mga benepiyaryong magingisda, ang mga ito ay sumailalim pa rin sa oryentasyon at pagsasanay ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) upang lubos nilang maunawaan ang adhikain ng proyektong pangkabuhayan.