Kaugnay ng kampanya ng PNP na masugpo ang illegal na droga sa madaling panahon, nakikita naman natin na epektibo ito patunay ang mga maraming bilang ng mga drug dependents na sumuko. Katunayan, sa buong lalawigan ng Romblon ay umabot na sa halos 561, as of July 26 ang bilang ng mga sumuko dulot ng project ‘Tokhang’ ng PNP. Ang isang maganda pa rito, wala pa naman kaso ng napatay o ‘ika nga, maaaring kaso ng extra judicial killing kaugnay sa ‘Tokhang’ project na ito sa lalawigan.
Kung tutuusin, ang positibong epekto ng pagsuko nitong mga drug dependents ay masusukat natin ilang buwan pa mula ngayon. Mababantayan natin kung itong mga nagsurrender nga ba talaga ay totoong magbabagong buhay. Ang kanilang pagbabagong buhay ay mas magiging makatotohanan kung ang ating mga kinauukulan tulad ng mga LGUs, DSWD, at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ay may nakahandang proyektong pangkabuhayan para sa kanila.
Maaari rin kasing bumalik sa kanilang illegal na pagtutulak o paggamit ng illegal na droga itong mga nagsurrender na mga drug dependents lalo na kung wala rin namang druglords sa probinsya na mahuhuli at makukulong.
Ganun pa man, ang mga nangyayari sa ngayon ay masasabi nating isang magandang hudyat at pasimula ng isang positibong kampanya kontra illegal na droga. Kudos sa ating mga PNP personnel at mga local chief executives sa inyong masigasig na kampanya kontra illegal na droga.
Habang umuusad ang kampanya ng ating pamahalaan sa pangunguna ng PNP kontra illegal na droga, kamusta naman kaya ang kanilang kampanya kontra illegal na sugal?
Pasyal ka sa bayan, palengke at mga umpukan, masyado namang halata ang mga pasimpleng nagpapataya sa Ending at Lotting diyan. Bagamat naiulat na rin minsan noong mga nakaraang taon na may mga nahuhuli na mga involved sa illegal na sugal, pero mukhang nagpalamig lang at balik ulit sa pagpapataya at operasyon ng kanilang illegal na pasugal.
Katulad ng illegal na droga, ang sugal ay isa ring bisyo na sadyang nagpapahirap sa mga taong nalulong dito kasama na ang kanilang pamilya. Isa itong tila baga nakaka-adik na bisyo na maaaring humantong pa sa pagnanakaw, pangungupit, pandaraya, panlalamang, at hindi tama na paghawak ng pananalapi ng taong lulong sa bisyong ito.
Ang mga LGUs ba ay may inaprobahang municipal ordinance para ipagbawal ang mga illegal na sugal? Sa pagkakaalam ko naman ay mayroon. Aba eh, ‘wag nyo po sabihing walang ordinansya ang mga munisipyo eh, masyado naman pangunahin itong isyung ito. Kung mayroon mang ordinansa, e bakit ho may mga kumakalat at pasimpleng nagpapataya pa rin?
Ang ating mga kinauukulan ay dapat ring paigtingin ang kampanya kontra illegal gambling. Kung may mga druglords na dapat mahuli, dapat ring may mga gambling lords na mahuli at makulong.