Nangakong hindi na uulitin at hindi na rin mananakit ng iba pang estudyante ang isang guro ng Paaralang Sentral ng bayan ng San Jose matapos nitong makaharap sa paaralan ang mga kamag-anak ng isang batang sinaktan niya di umano.
Nitong July 24, nagpadala ng mensahe sa Romblon News Network ang magulang ng isang grade 4 na estudyante ng Paaralang Sentral ng bayan ng San Jose na itatago nalang natin sa pangalang “David”.
Ayon sa magulang ni alyas “David”, di umano nitong July 15 ay kinurot sa batok at sa baba ng tenga ng isang guro si alyas “David”.
Aminado ang magulang ni alyas “David” na pasaway ang kanyang anak pero hindi umano ito dahilan upang kurutin ito.
Agad naman itong pinadala ng Romblon News Network kay Schools Division Superintendent Roger Capa, at agad naman nilang inaksyunan.
Sa pinirmahang salaysay ng nasabing guro, sinabi nitong noong July 15, nakikipag-away umano si alyas “David” sa kaklase niya at sa hindi umano sinasadyang pagkakataon ay nasaktan niya ito.
Tinanggap naman ng magulang ni alyas “David” ang paumanhin ng guro nitong July 26 at nagsabing hindi na magsasampa pa ng kaso.