Noong kasagsagan ng balita tungkol kay Mary Jane Veloso, isang Pinay OFW na nahulihan ng ipinagbabawal na droga sa bansang Indonesia na naging sanhi upang sya’y mahatulan ng parusang kamatayan, ramdam sa mga taumbayan ang awa at habag para kay Mary Jane. Iba’t ibang grupo ang nagkusa na magkatipon-tipon sa iba’t ibang lugar at sabayang nanawagan sa Pangulo ng Indonesia na e ‘spare’ si Mary Jane sa parusang kamatayan (by firing squad).
Kung uunawain nga naman, si Mary Jane ay isang inosenteng babae, isang nanay at asawa na walang ibang hangad kundi sana ang makapagtrabaho sa ibang bansa sa pag-asang kumita ng malaki at makatulong sa pamilya. Subalit ang hindi nya alam, gagamitin pala sya na taga-dala ng isang kontrabando na may capital punishment sa bansang Indonesia – ang bawal na droga.
Samantala, ang pamahalaan naman ng Indonesia ay sumunod sa tamang proseso ng paglilitis at lumalabas nga na ‘guilty’ si Mary Jane kung kaya’t pinatawan ito ng parusang kamatayan.
In contrast, todo arangkada ang kampanya ng pamahalaan kontra illegal na droga, patayan dito, patayan doon. Patayan na tila tanggap ng iba, ang mahalaga umano ay mawala ang droga sa bansa. Sa paniniwala na ang droga ang ugat sa mga karumal-dumal na krimen na dapat lamang kamatayan din sa salarin ang katumbas, kung bakit muling binubuhay ang batas ukol sa Parusang Kamatayan sa Pilipinas, at pinapangunahan pa nga ang pagpapanukala nito ni Senador Manny Pacquiao.
Look, si Mary Jane ay guilty ayon sa korte ng Indonesia sa pagpupuslit ng illegal na droga, ibig sabihin nito may proseso pa na sinunod ang pamahalaan ng Indonesia, bago pa man patawan ng parusang kamatayan si Mary Jane. Pero ang sigaaw ng mga taumbayan sa mga panahong iyon ay, ‘e spare si Mary Jane, o kaya ipagpaliban ang pagbitay dahil umano si Mary Jane ay biktima lamang at may ibang taong mas dapat masakdal sa likod nito.
Kung sakaling si Mary Jane ay sa Pilipinas nahulihan ng illegal na droga at mayroon ng batas na pumapayag sa parusang kamatayan sa ganung kaso, ang damdamin kaya ng mga taumbayan na nararamdaman ang awa at habag, ay pareho pa rin? O ang damdamin ng taumbayan ay bumabatay sa kung anong pakay at layunin?
Si Senador Pacquiao halimbawa, na syang nagpanukala sa Senado ng Parusang Kamatayan, ay naniniwala na ang mga kriminal sa mga karumaldumal na krimen ay dapat lamang parusahan ng kamatayan. Subalit, sa ibang anggulo naman, pumapayag naman ang Senador sa pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, dahil ‘aniya kahit gaano pa man kasama ang isang tao ay dapat itong patawarin.
Pag ang pinoy ang nahaharap sa parusang kamatayan sa ibang bansa, tulad ng mga mapupugutan sa Saudi Arabia, halos bayaran ng gobyerno ang blood money para lamang maligtas sa tiyak na kamatayan ang kabayan, pero bakit naman sa sarili nitong pamahalaan ay papataw din ng parusang kamatayan?
Di baga ironic?