Hindi napakinabangan ng mga residente ng Odiongan ang ilang bahagi ng pundo ng development funds ng bayan ng Odiongan noong 2015 ayon sa Commision on Audit (COA) matapos umanong hindi nai-kumpigura nang husto ang mga Development Projects sa nasabing bayan ng nasabing taon.
Sa report ng COA, humango umano ng P19,217,573.80 o 20 percent (%) ng internal revenue allotment ang bayan ng Odiongan nitong 2015 para sa kanilang development projects alinsunod sa Section 287 ng Local Government Code.
Ngunit sinabi sa report na hindi umano na implement ng nasabing bayan ang ilang proyektong pasok sa 2015 Annual Investment Plan.
Umabot lamang umano sa P11,866.396.08 ng P19,217,573.80 o halos 62 percent (%) lang ng pundo ang ginamit noong 2015, at hindi ginastos ang aabot sa P7,351,177.72.
“(This) depriv(ed) the constituents of the maximum benefits from those development projects,” ayon sa report ng COA.
Sinabi rin sa report na aabot sa P3,613,000.00 halaga ng proyekto ang hindi na talaga na implement.
Ito ay ang pagtatayo ng Southbound passenger terminal na ayon sa source ng Romblon News Network ay itatayo sana sa Barangay Tulay o di kaya ay Bangon; pag-improve sa mga pasilidad ng Children’s Park and Paradise; reabilitasyon ng Cota Light House; paglalagay ng close circuit television o CCTV sa Odiongan Public Market; at sa mga peace and order na proyekto.
Paliwanag ng Municipal Government sa report ng Commision on Audit (COA), hindi umano na-implement ang mga nasabing proyekto dahil sa kakulangan umano ng approved budgets na naging dahilan sa pag-atras ng ilang bidders para sa procurement process ng nasabing mga proyekto.
Ayon naman sa COA, dapat umanong magawa ang lahat ng development projects na nasa Annual Investment Plan para na rin sa mga residenteng makikinabang sa pera ng bayan.