by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Thursday, 07 July 2016
Simula unang araw ng Hulyo, ipaiiral na ng pamahalaang bayan ng Romblon ang schedule ng pangongolekta ng basura batay sa uri o pagkaka-segregate nito.
Tuwing araw ng Lunes ay tanging plastic at mga nari-recycle na basura lang ang kokolektahin gaya ng bakal, bote, diyaryo, papel, at iba pa na dadalhin sa Materials Recovery Facility (MRF) ng bawat barangay.
Tuwing araw ng Miyerkules at Sabado naman kokolektahin ang mga nabubulok na basura upang gawing organic fertilizer na magagamit na pataba sa mga pananim.
Tuwing araw ng Biyernes ay tanging special waste lang ang kokolektahin ng truck ng basura gaya ng napkin, diaper, fluorescent bulb, sirang baterya, atpb.
Layunin nito na maihiwalay ang mga mapapakinabangan pa at maayos na maitapon ang nabubulok at mga special waste sa tamang paglalagyan nito.
Ayon kay Emma Balabat, consultant on Solid Waste Management, ito ay kaugnay pa rin sa pagpapaigting ng batas hinggil sa pagbabawal ng paggamit ng plastic at styrofoam o Municipal Ordinance No.18-2012.
Bago aniya ang implementasyon nito ay nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng solid waste management seminar series kung saan itinuro nila ang iba’t ibang klasipikasyon ng basura kabilang na ang bio-degradable, recyclable, residual waste at special waste sa lahat ng mga nagmamay-ari ng tindahan, restaurant at iba pang mga establisyemento.
Ayon pa kay Balabat, malaking tulong ang hakbang na ito sa pagsasagawa ng matagumpay na 10-year Solid Waste Management Plan hanggang taong 2025 at tuluyan ng iwasan ng mga tao ang paggamit ng plastik na nakapagduduloy ng polusyon sa kapaligiran.