by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 11 July 2016
Sinimulan sa pamamagitan ng guidance and counselling sa mga estudyante ng Romblon National High School ng pamunuan ng Romblon Municipal Police Station ang pagdiriwang ng ika-21 Police Community Relations (PCR) Month.
Sa naturang aktibidad ay tinalakay ni Police Senior Inspector Sheljohn G. Nuga, Officer-In-Charge ng Romblon MPS sa mga kabataan na umiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at makipagtulungan sa pulisya kung sakaling may masaksihang krimen.
Ayon kay PSInsp. Nuga, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa komunidad sa pamamagitan ng iba’t-ibang aktibidad at programa gayundin ang pagpaparamdam ng presensiya ng kapulisan upang patuloy na pagtiwalaan ng komunidad.
Ang pagsugpo sa ilegal na droga ang tinutukan ngayon ng pulisya kung kaya patuloy silang nagsasagawa ng drug awareness campaign sa mga paaralan at barangay upang tuluyan ng masawata ang mga nagbebenta at gumagamit nito.
Nagsagawa rin ang kapulisan ng Film Showing kaugnay sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa mga kabataan o sinumang nalulong sa ganitong bisyo.
Ikinakatuwa naman ito ng mga nakapanood dahil sa nagkaroon ng kamalayan ang mga kabataan hinggil sa mga ipinagbabawal na droga.
Kabilang rin sa mga tinalakay sa kick-off ceremony ang usapin hinggil sa bawal ang pagdadala ng nakamamatay na sandata, mga karapatang pambata, pagpapairal ng curfew, pagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar at pagbabawal sa mga kabataan na pumasok sa computer shop kapag oras ng klase.
Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Matibay na Ugnayan,Ligtas na Pamayanan.”