by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Thursday, 07 July 2016
Pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)ng Romblon ang pagbubukas sa obserbasyon ng National Disaster Consciousness Month (NDCM) ngayong buwan ng Hulyo.
Isang Banal na Misa ang naging hudyat ng pagsisimula ng selebrasyon ng NDCM sa lalawigan kung saan ito inilaay ng PDRRMC sa mga disaster victims. Pagkatapos ng Misa ito ay sinundan ng motorcade paikot sa bayan ng Romblon patungong Bgy. Sawang upang isagawa ang tree-planting activity.
Sinabi ni Engr. Antonio P. Sarzona, PDRRM Officer RDRRMC, patuloy na pinaiigting ng PDRRMC ang kampanya sa paghahanda sa anumang sakuna o kalamidad na makaapekto sa buhay at ari-arian ng mamamayan.
Ayon pa kay Sarzona, mas nagiging aktibo na ang kooperasyon at partisipasyon ng mga lokal na residente dahil na rin umano sa patuloy na pagbibigay-alam sa mga palatuntunin na may kinalaman sa kalamidad.
Nagpasalamat rin si Sarzona sa mga line agencies, council members at capitol based employees na nakilahok sa kick-off ceremony ng NDCM na may temang: Kahandaan sa Pagtugon sa Sakuna, Tungkulin ng Bawat Isa.”