by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Thursday, 14 July 2016
Ang mga kawani ng Philippine Coast Guard Romblon Station at Coast Guard K9 Group ay nagsasagawa ngayong umaga ng mangrove planting activity sa Birds, Wildlife and Mangroves Sanctuary ng Bgy. Ginablan sa bayan ng Romblon.
Layunin ng naturang aktibidad na maibalik sa dati ang mga nasirang bakawanan upang magsilbing proteksiyon sa baybayin at mapanumbalik ang marine ecosystem sa nabanggit na lugar.
Makatutulong din ito para muling umangat ang fisheries production at aquaculture maging sa pagpigil sa malalaking alon at patuloy na pag-init ng panahon.
Kasabay ng pagtatanim ay naglinis din sa baybaying dagat ang mga tauhan ng Coast Guard na bahagi ng Ginablan Birds, Wildlife and Mangroves Sanctuary.
Ayon kay LTJG Benjamin Formentos, station commander ng PCG-Romblon, na ang proyektong ito ay bahagi ng kanilang adbokasiya laban sa patuloy na pag-init mundo o climate change.
Kaya napakahalaga aniyang mapanatili ang kalinisan ng mga dalampasigan at mapangalagaan ang yamang-dagat na pinagkukunan ng mga pagkain at kabuhayan ng mga naninirahan malapit dito.