Kahapon lamang ay lumabas sa mga pahayagan na kinokonsidera na umano ng Pangulong Duterte ang pagbabago sa konstitusyon ng bansa sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass) kung saan ang mga kasalukuyang nakaupo na mambabatas ay sila rin ang magbabalangkas ng bagong saligang batas para sa tinutulak ng Pangulo na ‘Federalism’.
Taliwas ito sa naunang pahayag ng Pangulo na sa paraang Constitutional Convention (Con-Con) nya idadaan ang pagbabago sa konstitusyon. Ayon naman kay House Speaker Alvarez, isa sa kinokonsidera umano na rason ay dahil sa sobrang laki ng magagastos ng gobyerno kapag idaan pa ito sa Con-Con.
Merong napakalaking pagkakaiba ang Con-Ass sa Con-Con lalong lalo na sa aspeto ng pagiging ‘independent and apolitical’ para matiyak na ang kalalabasan ng pagbalangkas ng bagong saligang batas ay totoong kumakatawan sa nais ng mga mamamayan nang hindi naiimpluwensyahan ng kasapian sa mga partidong politikal.
Dahil sa ‘existing’ ang tinatatawag nating ‘ruling party’ o mayorya kung saan nga dahil sa mga pampulitikang hangarin ng mga mambabatas ay lumipat sa partido ng Pangulo at tinawag na ‘super majority’ dahil sa konting-konti na lang ang naiwan sa minorya, ano ba ang maaari nating asahan sa pagbabalangkas ng bagong saligang batas? Ano pa e di, lutong makaw.
Ang pagbabago ng saligang batas ay matatawag nating ‘milestone change’ na dapat pinag-aaralan at binabalangkas ng mabuti at kung kinakailangan ay laanan ng sapat na pundo. Hindi dapat panghinayangan ang pundo na maaaring ilaan para dito basta lamang matiyak ang isang patas, independent, at pagbabalangkas na ayon sa mismong boses ng mamamayan sa pamamagitan ng kanilang kinatawan na walang kinaaanibang partido, kundi nahalal at pinili ng mga mamamayan para sa Con-Con lamang.