Isang symposium tungkol sa “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” o mas kilala bilang Republic Act No. 9165 ang isinasagawa nitong Biyernes, July 22, 2016, sa Sibale Academy of the Immaculate Conception sa bayan ng Concepcion (Sibale Island).
Inorganisa ito ng mga kawani ng Concepcion Municipal Police Station sa pangunguna ni SPO2 Rhoel Fabello, ang kasalukuyang Deputy Chief of Police ng bayan, sa pakikipagtulungan na rin ng mga guro at opisyal nang nasabing paaralan.
Layunin ng naturang seminar na imulat ang mga kabataan sa mga nakasisirang epekto ng paggamit ng iligal na droga at upang hikayatin ang mga ito na maging kabahagi sa kampanya kontra dito.
Binanggit din sa aktibidad na ito ang iba pang seryosong hakbang ng mga kapulisan upang mas mapanatili nilang maayos at matiwasay ang buong bayan sa ilalim ng bagong administrasyon. Ipinabatid din dito na hindi dapat mailang o matakot ang mga kabataan na lumapit sa kanilang hanay kung may kailangan silang tulong o kaya naman ay may nais na i-sumbong.
Asahan na raw ang iba pang symposium na kanilang isasagawa sa mga darating na araw para mas lubusang maipaalam sa lahat ng mga kabataan ng Sibale ang kahalagahan ng kaalaman tungkol sa mga masamang epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Batay sa pinakahuling taya ng Concepcion MPS, isa pa lamang na aminadong pusher/user ang sumuko sa kapulisan simula nitong July 01.