by Ken James Fadriquela, Romblon News | Sunday, 10 July 2016
Malakas na buhos ng ulan at mataas na tubig ang gumising sa ilang mga residente ng bayan ng Odiongan sa Romblon matapos malubog sa baha ang ilang barangay sa bayan dahil sa pag-uulan.
Nalubog ang ilang bahay sa Barangay Tulay, Bangon, at Tabobo-an matapos na magsabay ang high tide at ang buhos ng baha galing bundok.
Ayon sa mga residente sa lugar mula pa alas-12 ng hating gabi nagsimula ang pag-uulan at hanggang ngayong alas-kwatro ng umaga ay nararanasan parin.
Umabot na sa hanggang bewang ang baha sa mga nabangit na barangay.
Ilang kalsada naman sa barangay Dapawan ang nalubog rin sa baha dahil sa umapaw na mga kanal.
Ilang motorista rin ang hirap sa pagpasok sa bayan ng Odiongan dahil ang kalsada na nakakonek sa ilang bayan katulad ng Ferrol at Looc ay nalubog rin sa baha.
Binisita na rin ng pamahalaang lokal ng Odiongan ang mga nasabing barangay upang mag inspeksyon sa kalagayan nila.
Sa ngayon, lumikas muna ang mga residente na nakatira sa lumubog na mga bahay at nagpalipas muna sa kanilang mga kakilala na nakatira sa mataas na lugar dahil sa pangambang maaring tumaas pa ang tubig kapag biglang umulan.