by Lyndon Plantilla, Philippine Information Agency | Saturday, 02 July 2016
Sa pagsasanib puwersa ng mga ahensiya ng pamahalaan at ng mga kaalayadong samahan, dumarami ang mga pagkakataon para magkaroon ng pagkakakitaan ang mga kababayang maralita.
Halimbawa na lang ang pagtatayo ng business center para sa mga benipisyaryo ng Sustainable Livelihood Program o SLP sa Taytay, Palawan.
“Ito ay pagkakataon para magkaroon ng market para sa lahat ng mga produkto (ng mga benispisyaryo) lalo na yung mga cashew nuts (kasuy) at mga seaweeds,” paliwanag ni Regional Director Wilma Naviamos ng Department of Social Welfare and Development -Mimaropa.
“Sa unang yugto ng SLP-Business Center, pangungunahan muna ito ng kooperatiba na gumagawa ng cashew products. Actually ito ay isa sa mga modelo na SLP groups ng DSWD na isang national awardee….sa mga susunod na panahon, inaanyayahan na natin ang iba pang mga grupo na may mga produkto na sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program na sumama at idisplay na rin sa business center,” sabi nI Director Naviamos.
Ang SLP, isang convergence program, ay sinusuportahan din ng iba pang ahensiya gaya ng mga lokal na pamahalaan tulad ng Taytay, Department of Science and Technology, Department of Agrarian Reform, Department of Agriculture at Department of Labor.
Iniunsad ang SLP Business Center ng Taytay, Palawan noong Hunyo 29.
“Sa mga kababayang interesadong sumama sa SLP, may 10-15 katao kada grupo na pwedeng gawing samahan, maaring magtanong sa mga munisipiyo, mayroon ho kaming mga tanggapan sa mga munisipiyo at hanapin ang aming mga project development officers para sila ay magabayan,” dagdag pa ni Director Naviamos.
Para sa karagdagang detalye ng SLP at ang bagong SLP Business Center sa Taytay, Palawan, panoorin ang panayam kay Director Naviamos sa https://youtu.be/ZxDXu_evLaM. (LP)