by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Friday, 01 July 2016
Nangako umano sa pamunuan ng Department of Education – Romblon ang contractor ng hindi natapos na silid-aralan sa Cabibihan Elementary School sa Sitio Cabibihan, Barangay Talisay, Calatrava, Romblon na ipapatapos nila ito.
Yan ang mga pahayag ni DepEd-Romblon Schools Division Superintendent Roger Capa ng makapanayam nang Romblon News Network.
Sinabi ni SDS Capa na taong 2014 pa ang proyekto at hindi pa umano siya nakakaupo noong panahon na iyon.
“Pag upo ko [bilang SDS noong 2016], hindi na namin pinasali sa mga bidding ng DepEd ang Contractor [na yan] hangga’t di pa natatapos iyan,” pahayag ni Capa.
Noong nakaraang linggo pa umano nila sinulatan ang CG Cabana Construction ng Marinduque na contractor ng nasabing school building at binigyan ng ultimatum.
“Last week pumunta ng opisina [ang CG Cabana Construction] at nangakong tatapusin nila,” ayon kay Capa.
Sa ngayon, sa butas-butas na silid-aralan muna nag titiis ang ilang estudyante ng Cabibihan Elementary School habang inaantay na matapos ang nasabing school building.