Walongpu’t walong mangingisda mula sa Bgy. Cobrador at Bgy. Calabogo sa bayan ng Romblon ang tumanggap kahapon ng gamit pangisda mula sa Department of Social Welfare and Development.
Ang mga ito ay pinagkalooban ng lambat (fishnet), floater, sinker, lubid (rope), nylon, kawil (hook), swivel at artificial bait na kanilang gagamitin sa pangingisda o paghahapbuhay.
Ayon kay Glenn F. Faeldan, Project Development Coordinator II ng DSWD-Romblon, ang kanilang ipinagkaloob na kagamitan sa mga mangingisda ay kabilang sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD.
Ang SLP ay isang community-based capacity-building program na naglalayong mai-angat ang pamumuhay ng mga benepisyaryo nito sa pamamagitan ng Community-Driven Enterprise Development approach.
Ang mga mangingisdang nabanggit ay miyembro ng 4Ps na pinagkalooban ng starter kits o fishing gears ng pamahalaang nasyunal na may kabuuang halaga na P1,165,914.
Sumailalim din muna sa pagsasanay ang mga benepisyaryong mangingisda sa pakikipagtulungan ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg)-Romblon.