Ang pamahalaang bayan ng Alcantara ay nakikiisa sa pagdiriwang ng 38th National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week na nagsimula noong Hulyo 17 at magtatapos sa 23, at may temang “Karapatan ng May Kapansanan, Isakatuparan…Now Na!!!”
Ayon sa pamunuan ng Provincial Social Welfare and Development, nakasaad sa Magna Carta of Disabled Persons at Republic Act 9442 na may iba’t ibang pribilehiyo ang mga taong may kapansanan o PWDs (persons with disabilities) upang protektahan ang mga karapatan nito.
Itinuturing na may kapansanan ang mga taong may dinaranas na hadlang sa kanilang iba’t ibang kakayahan, bunga ng pinsala sa pag-iisip, katawan, o pandama.
Kaugnay ng selebrasyon, ang LGU Alcantara sa pakikipagtulungan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Health Office (PHO) ay nagkaloob ng libreng medical at dental check up sa mga taong may kapansanan.
Ipinamahagi rin ng pamahalaang bayan ng Alcantara ang pitong wheel chair sa mga taong may kapansanan sa paglalakad.
Ito ay upang maipakita na ang PWDs ay mahalagang parte ng lipunan at may pantay na karapatan at maitaas din ang moral ng mga taong may kapansanan.