by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 07 July 2016
Sa patuloy na operasyon ng mga kapulisan sa buong lalawigan upang masugpo ang iligal na droga sa buong Romblon, magkasunod na sumuko sa mga bayan ng Odiongan at Cajidiocan ang mga kilalang drug personality sa bayan.
Sa Odiongan, sumuko sa grupo ni Police Inspector Manuel Fernandez ng Odiongan Municipal Police Station nitong July 05 ng hapon ang No. 2, No. 7, at No.9 sa Top 10 drug personality ng bayan matapos kausapin ng mga kapulisan ukol sa mas pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga katulad nila.
Ang tatlo ay inamin na nagbebenta sila at nangakong magbabago na matapos humarap kay Mayor Trina Firmalo.
Kasamang sumuko ng tatlo ang isang hindi kabilang sa Top 10 list ng PNP ngunit aminadong gumagamit ng droga.
Sa bayan naman ng Magdiwang, tatlong mangingisda na sangkot rin sa bentahan ng iligal na droga ang sumuko sa kapulisan sa pangunguna ni Police Inspector Kim Badillo ng Magdiwang Municipal Police Station.
Kabilang sa tatlo ang No. 8 at No. 6 drug personality ng bayan na matagal ng nasa watchlist ng awtoridad.
Sumuko ang tatlo matapos umano nilang mapagtanto ang maaring maging epekto nito sa buhay nila at sa kanilang pamilya.
Ang isa sa tatlo ay 30 years na umanong gumagamit at nagbebenta ng iligal na gamot na shabu.
Pinalaya sila matapos na mangakong magbabago na.
Patuloy naman silang babantayan ng kapulisan at isasailalim sa lifestyle check para madaling malaman kung babalik ba sila sa dating trabahong pagbebenta o paggamit ng iligal na droga.