by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Wednesday, 06 July 2016
Aabot sa 1.2 million na halaga ng shabu na balak dalhin sa Boracay ng isang runner ang isinuko sa mga tauhan ng Looc Municipal Police Station kaninang umaga.
Tumungo sa Looc MPS ang grupo ni Looc Mayor Leila Arboleda kasama ang isang alyas ‘Butchoy’ na lumapit umano sa Mayora para magpatulong na isuko ang 38 sachet ng shabu sa awtoridad.
Sa kwento ni ‘Alyas Butchoy’, nitong June 28 umano lumapit sa kanyang bahay sa Brgy. Punta, Looc ang dalawang babaeng hindi niya kilala at may inihatid sa kanyang package galing umano sa pinsan niyang si Hermie Fabula na kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Sinabi niya umano sa dalawang babae na kakausapin muna niya ang pinsan niyang si Fabula bago tanggapin ang package.
Nang makausap niya si Fabula sa Cellphone, sinabi ni Fabula na may lamang shabu ang package at kukunin ng isang runner ngayong araw, July 06, para dalhin sa Boracay Island.
Ibabalik niya sana ang package ng malaman na shabu ang laman nito kaso nga lang umalis na ang dalawang babae at hindi na niya ito nahabol.
Sa takot ng malamang shabu ang laman nito, lumapit siya kay Mayor Leila Arboleda para sa kanyang tulong.
Agad namang ginawang asset si alyas ‘Butchoy’ para sa isang entrapment operation na gagawin ng mga tauhan ng Looc Municipal Police Station, Provincial Public Safety Company, at Romblon Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG) upang mahuli ang runner na kukuha sana ng package ngunit hindi nagpakita ang runner ngayong araw.
Matapos ang nigatibong resulta ng operasyon, binuksan ng grupo ang package na may lamang 38 sachet ng shabu na may timbang na 178 grams.