by Philippine News Agency | Sunday, 26 June 2016
Sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, patutunayan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pangako noong panahon ng kampanya ng pagpapatupad ng “tunay na pagbabago.” Kilala bilang isang simpleng tao, hiniling ni Duterte na baguhin ang pagdiriwang ng kanyang inagurasyon bilang Pangulo. Sa halip na magarbong handaan ay isang simpleng pagtitipon na lamang ang magaganap.
Sa mga nakaraang panayam kay incoming Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar, sinabi nito na ang nais lamang ng dating alkalde ng Davao City ay maging taimtim at simple lamang ang salo-salo sa Rizal Hall ng Malacañan. Pagsasaluhan ng mga panauhin ang mga putaheng Pilipino tulad ng Adobo, Minatamis na Duryan, Maruya at Buko Juice, ani Andanar.
Sinabi pa ni Andanar na umabot ang bilang ng mga panauhin sa 627 ngunit hindi na inaasahang dadami pa ang bilang na ito.
Samantala, isang “modest diplomatic reception” naman ang magaganap pagkatapos ng inagurasyon sa halip na isang magarbong pagsasalo-salo tulad ng tradisyonal na Vin d’honneur ang gaganapin sa Palasyo para sa mga kinatawan ng mga embahada ng ibat ibang nasyon. Kumpara sa mga nakaraang inagurasyon, hindi na kinailangan ni Duterte na kumuha ng serbisyo ng isang tanyag na mananahi ng damit sapagkat isang simpleng barong at pantalon lamang ang isusuot ng Pangulo para sa kanyang panunumpa bilang ika-labing anim na pangulo ng bansa.
Ayon kay Andanar, nais ng Pangulo na simple lamang ang kanyang panunumpa sa katungkulan.
Isa pang makasaysayang pangyayari na itinuturing na una sa larangan ng politika ay ang pagpapalabas ng “live streaming” o pagpapakita ng mga pangyayari sa loob ng Malacañan sa pamamagitan ng social media platform na Facebook. Sinabi ni Andanar, matapos ang pag-uusap kasama ang mga kumakatawan sa Facebook Asia Pacific, na si Duterte ang kaunaunahang pangulo sa Asya na maipapalabas sa pinakamalaking social network ang inagurasyon.
“Napag-usapan ng aming tanggapan at ng Facebook kung paano sila makakatulong sa teknikal na aspeto ng ‘live streaming’ at kung gaano kahalaga ito sa sambayanang Pilipino,” ayon kay Andanar. Bukod sa live streaming, siyam na himpilan ng telebisyon rin ang tututok sa mga pangyayari sa Malacañan pero ang mga ito ay pahihintulutan lamang na mag-broadcast mula sa Gate 4 ng Palasyo.
Ang mga iba namang miyembro ng media ay maaaring sumubaybay sa loob ng New Executive Building Press Briefing Room kung saan may mga “wide screen monitor” na nakalaan.
Iginiit ni Duterte na sa kanyang administrasyon, ang pamahalaan ay hindi magiging magarbo sa mga pagdiriwang at sa halip ay maingat na gugugulin ang pera ng bayan para sa mga mas mahalagang pagkakagastusan, bagay na likas na sa pagkatao ni Duterte. (PNA)