by Ian Kay Faa, Romblon News/PR | Monday, 27 June 2016
Sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry – Romblon Provincial Office sa local na pamahalaan ng San Agustin, pormal na pinasinayaan ang pagbubukas ng Negosyo Center sa San Agustin Agricultural Training Center Brgy. Poblacion, San Agustin Romblon.
Sa pambungad na pananalita ni San Agustin Mayor at Incoming Congressman Hon. Emmanuel F. Madrona pinasalamatan niya ang ahensya sa pagbibigay daan upang lubos pang mapaunlad ang mga taga San Agustin lalo na sa mga nais magnegosyo. Dumalo din sa nasabing inagurasyon sina Hon. Vice Mayor Zaldy G. Marin at incoming Mayor, Hon. Esteban “Denon” Madrona Jr.
Sa mensahe na pinahatid ni Ms. Tessie R. Magracia, may-ari ng Gimala Healing Tea inihayag nya kung paano siya nagsimula at ang kanyang mga naging karanasan sa pagnenegosyo. Nagpasalamat din sya sa mga naging tulong ng DTI, lokal na pamahalaan at ng iba’t-iba pang sangay ng gobyerno upang mapaganda at maiaahon ang kanyang produkto at negosyo. Pinagkalooban din ng mga bagong Label Designs ang mga produkto ng KT-Leens Hone Made Products, Jopay’s Coconut Blossom at Neneng’s Balichow.
Ayon kay Mr. Orville F. Mallorca, Provincial Caretaker ng DTI-Romblon, ang layunin ng Negosyo Center ay mailapit ang serbisyo ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong kagamitan at pamamaraan sa mamamayan upang mapabilis ang proseso sa pagnenegosyo at upang makatuwang sa pagpapalago pa nito. Nagpasalamat din ang ahensya sa mainit at mabilis na pagtanggap ng lokal na pamahalaan ng San Agustin na naging dahilan sa mabilis na pagpapatupad ng proyekto.
Sa buwan naman ng Hulyo inaasahang pormal na bubuksan ang Negosyo Center sa Romblon State University kasabay ng programang “Negosyo, Konsyumer, Atbp” o ONE DTI program ng ahensya. Ang Negosyo Center ay bukas Lunes hanggang Biyernes simula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.