by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 02 June 2016
Nagbabala sa pamamagitan ng Facebook Post ang pamunuan ng Romblon Municipal Police Station na bawal ang uminum sa mga pampublikong lugar sa bayan.
“Mahigpit pong ipinagbabawal ang pag-iinom ng mga nakakalalasing na inumin sa mga pampublikon lugar katulad ng kalsada, eskinita, plaza at mga gusaling pagmamay-ari ng gobyerno,” ayon sa post ng RMPS.
Sa hiwalay na post ng RMPS, nag-paalala rin sila na may curfew sa nasabing bayan para sa mga menor-de-edad mula 10 ng gabi hanggang 4 ng madaling araw.
“Labis po nating ikinababahala na ang mga batang pagala- gala at napapabayaan ng mga magulang ay maaring masangkot sa krimen o ang mas masaklap ay maging biktima nito. May mga kabataan pang nagpapahabol sa aming mga kapulisan kung gabi habang ipinapatupad namin ang nasabing ordinansa- na dapat ay nasa loob na sila ng kani- kanilang pamamahay at nasa pangagalaga ng kani- kanilang magulang,” ayon pa sa RMPS.
Ang pagbabantay umano sa mga menor-de-edad na anak ay responsibilidad ng mga magulang, at sila ay maaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 kung mapatunayang may kapabayaan.