by Dennis Evora, Romblon News | Monday, 27 June 2016
Pormal nang naghain ng complaint ngayong umaga ang grupong pinadala ni Romblon Governor Eduardo Firmalo sa opisina ng Mines and Geosciences Bureau sa Regional Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – MIMAROPA.
Ang nasabing reklamo ay inihain para kontrahin ang nakatakdang exploration ng palladium sa mga karagatang sakop ng 7 bayan sa Tablas Island, Romblon na in-apply ng Asian Palladium Mineral Resources Inc.
Dala ng grupo ang bulto-bultong papeles katulad ng mga petisyon na may pirma ng mga residente ng Romblon.
81,630 signatures ang nakolekta ng grupong Romblon Ecumenical Forum Against Mining (REFAM) at Alliance of Students Against Mining (ASAM) sa buong Tablas Island.
Inaabot nina Rodne Galicha ng Climate Reality Project Philippines at Dr. Tomas Faminial ng Romblon State University ang pirmadong sulat ni Governor Eduardo Firmalo kay DENR MIMAROPA Dir. Roland A. De Jesus.
Ayon sa sulat ni Gov. Firmalo, ang nasasakupan ng Romblon umano mapatubig man o lupa ay matagal nang ipinaglalaban ng mga taga-Romblon kontra sa pagmmimina.
Ilan pa sa rason ni Governor Firmalo sa pag kontra sa aplikasyon ay ang tubig na maapektuhan ng nasabing explorasyon ay ginagamit ng mga mangingisdang Romblomanon.
Ayon naman kay Rodne Galicha, co-chair ng Economic Development Commitee ng MIMAROPA RDC at country manager ng Climate Reality Project, ang turismo at agriculture umano ang best industry sa lalawigan dahil sa magagandang isla rito.
“The stance of the provincial government of Romblon and its people is consistent with Sustainable Development Goals (SGD) targets especially on sustainable communities, climate action, and life below water.” dagdag pa ni Galicha.