by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Sunday, 12 June 2016
Sinabayan ng mga residente ng bayan ng Looc sa Tablas Island, Romblon ng isang rally kontra mina ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong June 12.
Pagkatapos nilang mag-alay ng bulaklak at sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Children’s Park, naglakad ang mga aabot sa 300 katao na dumalo patungo sa barangay hall ng Barangay Punta kung saan ang mga residente ay pawang pangingisda ang kinabubuhay.
Dala dala ng mga nag rally ang mga placards na may mga katagang “No To Mining in Looc” at “No To Mining in Tablas Island”.
May ilang placards pang may mukha ni President-elect Rodrigo Duterte na nagsabi na pipigilan ang mga mining companies na magmina sa Pilipinas.
Ang mga rally ay kasunod ng aplikasyon ng Asian Palladium Mineral Resources Inc na magmina ng Palladium, Platinum, at iba pang mineral sa dagat.
Ang mga maapektuhang lugar ay ang mga bayan ng Looc, Ferrol, Odiongan, San Agustin, San Andres, Sta. Maria at Alcantara na pawang sa Tablas Island lahat.
Ayon sa talumpati ni Sheryl Fetalvero, isa umano sa mga maapektuhan ng nasabing pagmimina ay ang mga mangingisda.
Hindi rin umano buong masasabi na malaya na ang Pilipinas dahil meron paring mga krimen, druga, at pagmimina sa bansa kahit ayaw ng mga Pilipino.