by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Wednesday, 15 June 2016
Ang mga kawani ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) ay nakibahagi sa Balik Eskuwela 2016 kung saan tumulong ang mga ito sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng pagbubukas ng klase ngayong taon.
Sinabi ni PSupt. Sonia B. Gaviana, Deputy Provincial Director For Operations, na kanilang inilatag ang Oplan: Ligtas Balik Eskwela 2016 sa lahat ng mga pampublikong paaralan upang maalalayan sa pagpasok ang mga mag-aaral at mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko sa mga daraanan nito.
Higit umano nilang pinaghandaan ang unang linggo ng pagpasok ng mga estudyante kung saan naglagay sila ng mga police assistance desk na siyang titingin at mamomonitor sa pagpasok at pag-uwi ng mga mag-aaral.
Hinihikayat din ng pamunuan ng RPPO ang publiko na makiisa sa pagbabantay sa mga kabataan sa kanilang pagpasok sa mga paaralan hanggang sa pag-uwi ng mga ito sa kanilang tahanan.
Patuloy rin aniya na tutulong ang pulisya sa pagmantine sa daloy ng trapiko sa mga kalsadang dinaraanan ng mga estudyante sa kanilang pagpunta sa eskwelahan.
Binabantayan din nila ang posibleng pagpasok ng mga kontrabando sa loob ng eskuwelahan katulad ng bawal na gamot, nakalalasing na inumin at mga armas. Regular din silang nakikipag-ugnayan sa mga school principal patungkol sa pagpapatupad ng seguridad sa loob at labas ng mga paaralan.