by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Tuesday, 07 June 2016
Sa kulungan na matutulog ngayong gabi ang isang lalake matapos na mahulihan ito ng siyam (9) na sachet ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Silangan, Barangay Mayha sa bayan ng Odiongan.
Pinangunahan ni Police Inspector Manuel Fernandez, OIC ng Odingan Municipal Police Station kasama ang mga tauhan ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG), Philippine Drug Enforcement Agency, at Romblon Provincial Police Office.
Nadakip ng mga awtoridad si Joven Hernandez, 36 taong gulang, at residente ng Bongabog, Oriental Mindoro.
Nakuha rin sa suspek ang ilan pang drug paraphernalia katulad ng lighter, empty sachet, at pera.
Ayon sa kapulisan, aabot sa P80,000 ang halaga ng mga nasabat na pinaghihinalaang shabu.
Itinanggi naman ng suspek na nagbebenta siya ng shabu at inaabot lamang umano ito sa kanya ngunit hindi niya sinabi kung sino ang nag-abot ng tanungin ng Romblon News Network.
Sinabi ni Barangay Captain Adrian Fornal na bagong lipat lang sa Barangay ang suspek at hindi nila ito gaanong kilala.
Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (R.A. 9165).