by Paul Jaysent Fos, Romblon News/(MGF/DTI/PR) | Tuesday, 21 June 2016
Pormal ng binuksan ng Department of Trade and Industry – Romblon Provincial Office sa pakikipagtulungan sa local na pamahalaan ng Magdiwang ang pang-apat na Negosyo Center sa probinsya na inihimpil sa Magdiwang Municipal Hall, isla ng Sibuyan. Matatandaan na unang binuksan noong nakaraang taon ang tatlong Negosyo Centers sa mga Munisipyo ng San Fernando, Odiongan at Romblon, Romblon.
Ayon kay Mr. Orville F. Mallorca, provincial Caretaker ng DTI-Romblon, ang layunin ng Negosyo Center ay mailapit ang serbisyo ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong kagamitan at pamamaraan sa mamamayan upang mapabilis ang proseso sa pagnenegosyo at upang makatuwang sa pagpapalago pa nito.
Sa paunang pananalita ni Mayor Guillermo R. Rocha inihayag nya ang taos pusong pasasalamat sa departamento at hinikayat ang mga mamamayan na patuloy na palinangin ang kakayahan sa pagnenegosyo gamit ang mga makabagong kagamitan hatid ng Negosyo Center. Sa mensahe ni Engr. Edgar Mayor na nagrepresenta sa sector ng mga mangangalakal at ni Ms. Denisa Repizo, Presidente ng PWLR at nagrepresenta sa sector ng Kababaihan ikinatuwa nila ang benepisyong maibibigay ng NC lalo na maititipid sa magastos at mahabang pagproseso ng mga dokumento sa pagtayo ng Negosyo. Sa huli, isinaad nila ang kanilang suporta sa adhikain ng proyekto.
Ang Negosyo Center ay bukas Lunes hanggang Biyernes simula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon. Naka iskedyul ding buksan ang isa pang NC sa bayan ng San Agustin sa ika-27 ng Hunyo. Gayundin, inaasahan buksan ang Negosyo Centers sa Romblon State University at sa Looc, Romblon bago matapos ang taong kasalukuyan.