by Dennis Evora, Romblon News | Tuesday, 14 June 2016
Bumaba ang mga nagsibalik iskwela sa dalawang high school sa bayan ng Concepcion sa Sibale Island ngayong taon batay sa datus ng mga paaralan.
Maaring epekto umano ito ng nagdaang bagyong Nona noong nakaraang taon kung saan maraming kabuhayan ang nasira.
Umalis ng Sibale ang ilang residente at doon na nagpatuloy ng pag-aaral sa kalapit na lugar kagayan ng Mindoro, Batangas o Metro Manila.
Sa pangkalahatan, naging maayos naman ang unang araw ng balik-iskwela ng mga mag-aaral ng mababang paaralan sa buong bayan ng Concepcion, sa kabila ito ng kakulangan parin ng mga silid sa ilang paaralan dahil na rin sa hindi pa naaayos at nalalagyan ng mga bubong ang ilan sa mga ito matapos masira ng manalasa ang bagyo.
Nagpagawa lang muna ng mga temporary classrooms ang pamunuan upang may pansamantalang magamit ang mga bata habang tinatapos na maayos ang mga nasira.
Hindi rin nagkaproblema ang Concepcion National High School sa unang araw ng pagpapatupad ng K-12 Program bagamat aminado ang pamunuan dito na kulang pa sila ngayon sa mga silid para sa senior years dahil hindi pa natatapos ang building na kanilang ipinagawa para sa nasabing programa.
Nananawagan ang pamunuan ng CNHS na sana ay suportahan ng mga sibalenhon ang K-12 program dahil di naman lahat ay kayang magpaaral sa labas ng Sibale.
Dagdag pa nila, mas marami sanang enrollment dito, dagdag na teaching item at MOOE para sa school ngayong nagsimula na ang naturang programa.
Umaasa ang dalawang pamunuan na sa darating na dalawang buwan ay ganap nang matapos at maisaayos ang mga kinakailangan silid-aralan.