by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Wednesday, 29 June 2016
Opisyal na ring nanumpa ngayong araw, June 29, ang bagong alkalde ng bayan ng Odiongan na si Mayor Trina Firmalo-Fabic sa harapan ng mga residente ng nasabing bayan na tumungo pa sa Odiongan Public Plaza upang saksihan ang nasabing oath-taking ceremony.
Kasamang nanumpa kay Judge Cirile Foja sina Vice Mayor Mark Anthony Reyes at ang mga nanalong miyebro ng Sanguniang Bayan noon May 2016.
Sa talumpati ni Vice Mayor Reyes, sinabi nitong buong buo ang konseho upang suportahan ang mga nakalinyang proyekto ni Mayor Trina Firmalo-Fabic para sa mga residente ng Odiongan.
Dumalo rin sa nasabing oath-taking ceremony si incumbent Congressman Eleandro Jesus Madrona at Vice Governor Otik Riano kasama ilang Sanguniang Panlalawigan members.
Sa talumpati naman ng bagong alkalde, sinabi nitong makakaasa ang mga taga-Odiongan na masusunod ang kanyang mga ipinangako noong kampanya na dadalhin niya ang munisipyo sa mga Barangay.
Sinabi niya ring sa ika-tatlong linggo ng buwan ng July ay magsisimula na silang mag-ikot sa mga barangay para dalhin ang mga serbisyong kanyang ipinangako.
Pinasalamatan niya rin ang mga tumulong sa kanila noong election, ganun na rin sa mga hindi bumuto sa kanila.
Aniya, ang gobyernong ito ay hindi lamang para sa iilan kundi para sa lahat.