by Dennis Evora, Romblon News | Saturday, 18 June 2016
Naalarma ang mga residente partikyular ang mga lokal na mangingisda ng Sibale sa illegal na pangingisdang naganap nitong nakaraang June 13 ng hapon sa may bahagi ng Barangay Dalajican at Barangay Masudsud.
Ayon sa report na nakalap ng Concepcion Municipal Police Station mula sa mga residente ng dalawang nabanggit na barangay, ilang maliliit na bangkang de motor ang namataan ng mga ito na nagsasagawa ng pangingisda sa pamamagitan ng pag gamit ng ipinagbabawal na denamita at cyanide.
Sinubukan pa umanong lumapit ng ilang lokal na mangingisda para pigilan ang nasabing ilegal na gawain pero dahil sa pangamba na baka sila ang balingan ay minabuti na lang nilang pumunta sa bayan para i-report ang pangyayari.
Agad namang sumugod ang ilang tauhan ng kapulisan sa mga napaulat na pinangyarihan ng ilegal na aktibidad pero dahil sa mabibilis umano ang mga dalang sasakyang pandagat ng mga salarin ay hindi na nila naabutan ang mga ito.
Galit at pagkadismaya naman ang nararamdaman ng mga residente ng Sibale dahil sa ang mga ganitong gawain ay lubhang nakasisira umano ng natural na ecosystem ng dagat at ang physical na ganda at paglaki ng mga coral reefs sa palibot ng isla. Ito rin daw ang isa sa mga dahilan kaya kumukonti ang kanilang mga huli at lumiliit ang tyansang makapangisda pa ng maayos para sa kanilang ikabubuhay.
Ayon kay SPO2 Rhoel H. Fabello, Deputy Chief ng Sibale, patuloy pa nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga naturang ilegal na mangingisda at kung saang lugar sila nanggaling. Kasabay nito, nangako sila na babantayan nila ang karagatang sakop ng bayan ng Sibale kontra sa mga ganitong gawain. Humihingi rin sila sa mga residente na makipagtulungan para mas mapalakas pa ang kampanya laban dito.
Umaasa rin sila ng suporta mula sa LGU na pagkalooban sila ng kaukulang gamit kagaya ng isang patrol boat para mas mapahusay pa ang kanilang pagbabantay.