by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Sunday, 05 June 2016
Binibigyan ng Department of Education (DepEd) Schools Division of Romblon ng taning ang mga mag-aaral na papasok sa Grade 11 na magpatala sa kanilang napiling Senior High School (SHS) hanggang ika-13 ng Hunyo.
Ayon kay Rhesty M. Mariño, spokesperson ng DepEd Romblon, na itinakda ang nasabing deadline upang bigyan ng pagkakataon ang mga magulang at mag-aaral na makapamili ng paaralang papasukan sa SHS.
Pagbibigay rin aniya ito ng sapat na panahon sa mga pampublikong Senior High Schools na maghanda at ayusin ang kanilang kaukulang SHS programs bago sumapit ang pasukan.
Hinihikayat din ng DepEd Romblon ang mga estudyanteng papasok sa Grade 11 na maagang magpatala sa kanilang napiling pampubliko o pribadong senior high school dahil hindi tulad ng Junior High School, kinakailangan ding pumili ng bawat mag-aaral ng isang particular na SHS track. Bago pa ang itinakdang deadline, nagsimula nang tumanggap ng mga SHS enrollees sa mga paaralan simula noong ika-2 ng Mayo.
Puspusan din ang ginawang adbokasiya ng mga opisyal at kawani ng DepEd sa mga out-of-school-youth at ilang may potensiyal na mga magbabalik-eskwela para himukin ang mga ito na mag-enroll sa nasabing programa.
Hinihikayat din ng ahensiya ang enrollees ng mga pribadong senior high school na gamitin ang SHS Voucher Program upang mabigyan sila ng diskwento sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan at tulungan ang kanilang mga magulang na pagaanin ang gastusin ng kanilang mga anak na nasa SHS.
Saklaw ng Senior High School ang walong aspeto ng pag-aaral bilang bahagi ng core curriculum nito, at isang dagdag na track batay sa apat na disiplina kabilang ang academic, technical-vocational-livelihood, sports at arts & design.