by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Friday, 01 July 2016
Butas na pader at tumutulong bubong, yan lamang ang ilan sa mga problemang kinakaharap ng mga grade 1 hanggang grade 3 na estudyante ng Cabibihan Elementary School sa Sitio Cabibihan, Baragay Talisay, Calatrava, Romblon.
Sa Cabibihan Elementary School kasi, magkakasama sa iisang silid aralan ang mga mag-aaral ng Grade 1, 2 at 3.
Nagtitiis ang mga nasabing estudyante sa lumang school building na gawa pa sa pinagpira-pirasong mga kahoy habang ang mga Grade 4-6 naman ay may semento nang silid-aralan.
Matagal nang nag-aantay ang mga estudyante ng Grade 1-3 ng nasabing paaralan kung kelan matatapos ang pinatayong silid-aralan sa kanilang lugar na ayon sa principal ay taong 2014 pa dapat umano na tapos.
Nakatayo na rin sana ang nasabing istraktura ngunit ipinagtataka ng mga taga rito kung bakit hindi ito ipinatapos gayung nasa lugar na rin ang ilang mga gamit na kailangan katulad nalang ng mga bakal.
Hiling ng mga estudyante at guro sa lugar sana mabigyan pansin ito ng mga bagong mamumuno sa lalawigan ng Romblon.
Nagpadala na ng mensahe ang Romblon News Network sa Department of Education – Romblon kaugnay sa nasabing proyekto ngunit hindi pa sila sumasagot sa amin.