by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 14 June 2016
Ang Department of Education (DepEd) Schools Division of Romblon ay magpapatupad ng shifting ng klase ngayong pasukan sa malalaking paaralan o may mataas na bilang ng mag-aaral.
Ayon kay OIC-Schools Division Superintendent Roger F. Capa, ang hakbang na ito ay dahil may ilang porsiyento pang on-going construction ng mga gusali na inaasahang matatapos pa sa Agosto hanggang Disyembre.
Bunsod ng pagkaantala ng konstruksiyon ng mga bagong silid aralan ay kailangan nilang magpatupad ng specific school contingency program kung saan isa na nga dito ang pagpapatupad ng shifting ng klase sa malalaking public high school.
Ipatutupad ang double shifting umpisa alas-6:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon at ang ikalawang shift ay alas-10:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.
Puspusan din ang kanilang ginagawang monitoring sa mga paaralan sa buong lalawigan ngayong nagsimula na ang pasukan at hiniling din nila ang tulong ng PNP na bantayan ang seguridad ng mga estudyanteng lalabas ng gabi.