by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Wednesday, 08 June 2016
Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) – Romblon ang mga kumandidato sa nakaraang halalan na magsumite ng tamang Statement of Campaign Contributions and Expenditures (SOCCE).
Ito ay upang hindi magkaroon ng problema at maiwasan na maharap sa kaukulang penalidad sakaling matuklasang hindi nagdeklara ng tamang ginastos ang isang kandidato, nanalo man o natalo sa National and Local elections noong Mayo 9.
Ayon kay Reynaldo G. Fabella, Election Officer III, Comelec-Odiongan, na ngayon ang huling araw ng pagsusumite ng SOCCE sa Office of the Election Officer kung saan nagfile ng certificate of candidacy ang isang kandidato.
Dapat aniyang maging matapat sa pagdedeklara ng kanilang SOCCE ang isang kandidato dahil maaari silang maharap sa kaso o pagkadiskwalipika kapag di sila nagsumite nito sa Comelec.
Ito aniya ang magiging batayan ng Comelec upang busisiin kung ang isang kandidato ay gumastos ng lagpas sa itinatakda ng batas dahil posible umanong magkaroon ng discrepancy sa SOCCE lalo na kung hindi magdedeklara ng tama ang mga kandidato.