by Dennis Evora, Romblon News | Thursday, 16 June 2016
Ngayong araw, muling nagpaabot ng tulong ang Caritas Manila, Inc., isang non-profit organisasyon, ng mga gamit sa pagpapagawa ng mga nasirang bahay sanhi ng pananalasa ng bagyong Nona nitong nakaraang taon. Ang mga nasabing gamit ay kinabibilangan ng ilang supot ng semento, mga bakal, yero, plywood, lagare, martilyo at mga pako, sapat lang para makapagpagawa o makapagpaayos ng bahay.
Ipinaabot ang tulong sa pamamagitan ng kanilang lokal na sangay sa Romblon na Caritas Romblon sa pakikipagtulungan na rin ng butihing Kura-paroko ng Sibale na si Fr. Francis Fornal at ilang mga volunteers.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Mr. Joel Senorin, isa sa mga pamilyang masuwerteng nabigyan ng mga naturang gamit, masaya sila dahil kahit ilang buwan na ang nakalilipas matapos manalasa ang bagyong Nona, may mga organisasyon parin kagaya ng Caritas na handang magpaabot ng tulong sa mga kagaya nilang lubhang naapektuhan ng bagyo.
Lubos ang kanilang pasasalamat dahil maipapaayos na nila ang kanilang tahanan na nanatiling sira bunsod ng kakapusan ng pera para ipagawa dahil ang kinikita daw nila ay sapat lang sa pang araw-araw na gastusin.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang iba pang residente na nakatanggap ng nabanggit na mga kagamitan gayon din ang lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagbuhos ng tulong mula sa ibat-ibang organisasyon.