by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 14 June 2016
Sa pamamagitan ng submarine cable project ng National Electrification Administration (NEA) sa pakikipagtulungan ng Asian Development Bank (ADB) at Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) Inc. ay tinatamasa na ngayon ng dalawang island barangay sa bayan ng Romblon ang 24/7 na serbisyo ng kuryente.
Sinabi ni Eng’r. Rene M. Fajilagutan, ROMELCO General Manager, dahil sa susidiya ng NEA ay napondohan ang naturang proyekto kung saan naglaan ng mahigit Php33 milyon ang ADB upang maisakatuparan ito.
Ang submarine cable project ay inilatag ng Asia-Phil Corp. sa ilalim ng karagatan magmula sa main power station sa Poblacion (town proper) papunta sa isla ng Barangay Logbon at Barangay Alad.
Layunin ng proyektong ito na mabigyan ng 24 oras na serbisyo ng kuryente ang mga nabanggit na barangay upang mapaangat ang antas ng kabuhayan ng mga naninirahan dito.
Nais aniya na tulungan ng pamahalaan ang mga residente rito na ang tanging ikinabubuhay ay pangingisda, pagsasaka at pagmimina ng marmol.
Mapapaunlad rin ang idustriya ng turismo sa mga island barangay dahil maraming magagandang beach na maaaring i-develop upang gawing resorts na makaka-engganyo na bisitahin ng mga turista.