by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 24 May 2016
Malapit ng matapos ang mahigit P14 milyon mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaang nasyunal na KALAHI-CIDSS o ang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan Program – Comprehensive Integrated Delivery of Social Services sa bayan ng Romblon.
Sinabi ni Jestone P. Formilos, area coordinator ng KALAHI CIDSS sa Romblon na halos 98 porsiyento nang tapos ang konstruksiyon ng mga proyekto sa 12 barangay sa kabisera ng lalawigan.
Sa programang PIA Mimaropa Hour, ipinaliwanag niya ang layunin ng programa, ang mahahalagang bahagi nito, ang mga kaugnay na proseso at ang mga proyektong maaaring ipatupad na mapagkakasunduan ng bawat barangay.
Ang KALAHI-CIDSS ay isa aniya sa mga pangunahing programa ng pamahalaan upang labanan ang kahirapan. Nakabatay ito sa pamamaraan ng community-driven development na kung saan ang mamamayan ay binibigyan ng kapangyarihang magpasya sa mga bagay na nakakaapekto sa kanilang pamumuhay.
Dagdag pa nito, sa naturang pamamaraan, bahagi sila ng lahat ng prosesong pagdadaanan, mula sa pag-oorganisa, pagpaplano hanggang sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Ayon pa kay Formilos, ang programang ito ay makatutulong ng malaki sa mga kabaranggayan kung saan mas makatutugon ito sa pangangailanagan ng mamamayan.
Ang mga naghati-hati umanong barangay sa P14,818,050 na pondo ng KALAHI CIDSS para ilaan sa mga proyektong pang-imprastraktura ay Barangay IV (Poblacion), Sablayan, Li-o, Alad, Agpanabat, Lunas, Agbaluto, Agbudia, Cajimos, Capaclan, Bagacay at Mapula.
Ang proyektong pinaglaanan ng pondo ay ang sumusunod: construction of school building, construction of barangay health center, concreting of access roads, repair of water system, construction of evacuation center at construction of river control.
Hinihintay na lamang umano ang 2nd tranche ng pondo upang ganap na makompleto ang mga proyekto kaya inaasahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-KALAHI CIDSS Romblon team na bago magkatapusan ng Hunyo ng taong kasalukuyan ay 100 poriyento nang tapos ang lahat ng ito upang kanila ng mai-turn-over sa barangay.