by Dennis Evora, Romblon News | Tuesday, 24 May 2016
Ilang volunteer backpackers mula sa Manila, sa pangunguna ni Mr. Bernard Medrano, ang pumunta sa bayan ng Sibale nitong nagdaang araw ng Sabado para sa kanilang isinagawang EdiKool Outreach Program.
Sa naturang programa, namahagi ang mga nasabing volunteers ng mga gamit pang-ikuwela at ilang hygene kit sa lahat ng mga batang mag-aaral ng elementary sa palibot ng bayan.
Matagumpay na naisakatuparan ang nasabing programa ng grupo sa pakikipagtulungan nina Ms. Annabelle Ferrancullo at ng mga masisipag na guro sa elementary ng Sibale.
Kasama rin sa kanilang naging layunin ang makamusta at maabutan ng konting tulong ang ilang mga piling pamilya na lubhang nasalanta ng bagyong Nona noong 2015.
Bahagi ito ng ilang serye ng mga outreach program na isinasagawa ng grupo kada taon partikyular sa mga lugar na lubhang mahirap ang pinagkukunan ng pangkabuhayan ng mga mamamayan at mga lugar na nasasalanta ng mga nagdaraan bagyo sa buong kapuluan.
Maliban sa Sibale, target din ng grupo na makapagsagawa ng ganitong programa sa mga darating na araw sa bayan ng Banton o Simara na kasama sa mga bayan na naapektuhan ng bagyong Nona.
Pasasalamat at papuri naman ang pinaabot ng lahat ng mga natulungang mag-aaral, kanilang mga magulang at mga guro sa pinaabot na tulong ng grupo at umaasa sila na may mga ganito pang aktibidad na darating sa isla sa mga darating na panahon kahit pa unti-unti nang nakakabangon ang bayan ng Sibale sa pinsalang iniwan ng nasabing bagyo.